'Di naging alintana ang pawis na tumatagaktak mula sa aking noo na dumadaloy naman sa aking kilay. Pawis mula sa aking patilya na gumagapang naman sa aking liig. Iba pa ang pawis na bugal bugal sa aking dibdib at kilikili na nagpapatunay na ang mga "anti-perspirant" ay walang silbi. Ang pamimintig ng aking mga hita mula sa metro-metrong lansangan na aking tinahak. Ang umaalingasaw na amoy ng bukas na estero na naghahalo naman sa amoy ng mga pagkain-lansangan tulad ng piniritong pusit at balat ng manok. Ang usok na sinasalubong ng mukha ko na nagmumula naman sa mga dyip na dekada na nung mulikng nakatikim ng paglilinis. Maligaya ako sa bawat sandali na ako'y nabigyan ng pagkakataon na makarating ang lugar na araw araw ay puno ng buhay. At sa bawat gabi ay may magkakaibang misteryo. Ang lugar na malapit sa akin sa 'di malamang dahilan. Quiapo.
Pagkatapos ng eksam na aming dinaluhan ng aking nakababatang kapatid sa isang state university sa Sta. Mesa na sya namang nagbigay sa aking ng matinding sakit ng ulo hindi dahil sa hirap ng mga tanong kundi dahil sa maigsing oras na binigay samin para tapusin ang ang pagsusulit, kinailangan ko ng pahinga. Pahingang hindi nahahanap sa apat na dulo ng aking kama kundi, pahinga mula sa mga problemang kinakaharap ko ngayon na hindi mo na dapat malaman pa. Hindi ko alam na malapit lang ang Sta. Mesa sa Quiapo - patunay din na mahina ako sa sulok-sulok ng kamaynilaan. Matapos ang kain namin sa canteen ng unibersidad, na sya namang napakamura pero masasabi kong nakakabusog talaga, sumakay ako ng dyip taliwas sa direksyon ng aking kapatid pauwi sa kanilang bahay. Habang nasa dyip ay para akong musmos na nananabik na makarating sa isang perya. Tatlo na lamang kaming pasaherong natira at ang dalawa ay naghahanda nang bumaba sa oras na tumigil ang dyip. Na sya ring nagpapatunay na hindi ko na alam na nasa liblib na lugar ako ng Quiapo. Matapos bumaba sa dyip ay tumambad sa akin ang libu-libong piratang DVD ng iba't ibang klase ng pelikula. May mga banyagang pelikula, na hindi pa man nailalabas sa sinehan ay nasa DVD format na, may lokal na pelikula, may mga lumang lokal at banyagang pelikula. Marami din naman pelikula na pamagat pa lang ay alam mo nang hindi ito pambata. Nagpapatunay din na ang litrato sa DVD na nagpapakita ng kani-kanilang maseselang bahagi ng katawan (babae o lalake) at mistulang inaalay sa yo na parang ulam. Marami ding tindero na magtatanong sakin kung ano ang hanap ko habang pilit na pinapakita sa akin ang hawak nilang DVD na nasabing hindi pambata. Dahil sa wala akong bitbit na gamit maliban sa payong na sira, pilit kong hindi pansinin ang mga dvd para hindi mapilitang bumili - dyahe pag bumili ka ng DVD tapos naka plastic na "see-through" lang ang lalagyan.
Papalayo mula sa mga tinda, natanaw ko na ang pamilyar na arko. Ang arko ng simbahan ng Quiapo. Hindi ko na napigilang ngumiti.
Bago makarating sa simbahan ay sumalubong naman sa akin ang mangilan-ngilang manghuhula gamit ang mga Tarot cards. May mga "nagbabasa" din ng mga palad. Hindi ako ang tipong naniniwala sa hula o sa horoskop. Ngunit interesado din ako magpahula. Pero dahil sa hiya at pagtitipid sa pera, nilagpasan ko si "Madame Viktorya" at nagtungo sa simbahan ng Quiapo. Matapos ang maigsing, mataimtim na panalangin at pagtirik ng kandila, muling bumalik ang ngiti sa aking mga labi habang papalabas ng simbahan.
Hindi ko pa din maipaliwanang kung bakit nagbibigay sa akin ng kakaibang ligaya ang bawat kalye o bangketa ng Quiapo. Nakapagtataka dahil ako ang taong ayaw ng madaming tao. Ngunit, kakaibang mga tao ang pumapaligid sa akin kumpara sa mga taong makakasalubong o pumpapaligid sa akin sa mga malalamig at naglalakihang mga mall.
Hindi pangkaraniwang tao ang mga makakasalubong mo sa bawat bangketa o kalye ng Quiapo. Karamihan ay estudyante, ang iba ay may kanya-kanyang pakay. May mga namimili, may mga tindero't tindera na nakikipagbulungan sa rumorondang mga pulis, at posibleng may mga tao ding tulad ko - na naghahanap ng pahinga.
Kakaiba rin ang mga tinda sa bangketa. Na sya ring maaaring dahilan ng aking pananabik sa lugar. Partikular ang mga elektroniks. Bukod sa DVD, marami ding mga elektroniks na naglipana sa Raon. May iba't-ibang klase ng antenna, na sya ring katabi na lang ng mga Satellite Dish na bago na ng pinipirata. May mga naglalakihang mga ispiker at sound system na sa mga sayawan o pyesta mo lang makikita at maririnig dumagundong. May iba't ibang TV at DVD player na sa halagang isang libo ay maiuuwi mo na ang DVD player at mapapanuod mo na ang paborito mong Glee series DVD - na pirata din.
Sa tabi naman ng simbahan ng Quiapo ay tinitinda ang iba't ibang "anting-anting" at "pendant" na sya daw panlaban sa bala at pananaksak. Kung totoo yon eh sana naging kriminal na lang sana ako. Mayroon ding ang mga klasik na "pamparegla" na sya ring tinatawag na "pampalaglag". Pinatuyong balat ng ahas, mga pinatuyong dahon ng kunganomang halaman, mga sanga-sanga ng kunganong puno at mga naglalakihang mga poon. Lahat ito makukuha mo sa gilid ng simbahan ng Quiapo. Tumawid ako sa kabilang kalye gamit ang overpass at dito mo naman makikita ang naglalakihang (o maliit din) balisong katabi ang mga tinitinda ding mga Dildo. Kung ano ang koneksyon ng dalawa ay di ko na aalamin.
Sa 'di kalayuan ay may mga nagaalok sakin ng diploma,transcript of records, report cards, SSS ID, BIR ID, driver's license at iba pang ID ng iba't ibang ahensya ng gobyerno at mga eksklusibong unibersidad. Lahat sila tinanggihan ko lang ng nakangiti.
Sandali akong napagod at nauhaw. Bumili ako ng maiinom na tubig mula sa isang convenient store. Mahal ko ang lugar, pero mas mahal ko ang sarili ko kung kaya't 'di ako bumili ng "mengo" juice na inilalako ni ate kalapit ang kanal ng Quiapo. Nung naubos ko ang inumin, patuloy naman akong naglakad sa kalye ng Avenida patungong...Recto. (itutuloy)